AnvilPublishing.com -- Home
     
   
 
 
 



July 30, 2010      8:00 A.M


Talumpati sa Paglunsad ng UP Diksiyonaryong Filipino



Balikan natin sandali ang kasaysayan ng pinakamalaki at pinakaimportanteng diksiyonaryo ng wikang Ingles, ang Oxford English Dictionary o OED. 

Unang binalak ang diksiyonaryong iyon noong 1857 ng Philological Society of London.  Maraming diskusyon ang naganap bago sila pumirma ng kontrata sa Oxford University Press.  Taong 1879 na iyon, 22 taon pagkatapos nilang simulan ang proyekto.  Ang ibinigay sa kanilang deadline ng pablisher ay 1889, o sampung taon.  Sa taong 1884 o limang taon bago deadline, umabot na sila sa salitang ant (A-N-T).  Hindi sila umabot sa deadline, pero dahil sikat silang mga iskolar, hindi naman masyadong nagalit ang pablisher. 

Alam ba ninyo kung kailan natapos ang unang edisyon ng OED?  Taong 1928, 71 taon mula noong nagpasya ang Philological Society na simulan ang proyekto.  Kinamatayan na nga ng editor in chief na si James Murray ang proyekto (namatay siya noong 1915, siguro dahil nasobrahan ang trabaho). 

Dapat sana, pagkatapos ng 71 taon, ay maaari nang magpahinga o mamatay ang mga kasapi ng Philological Society of London, pero hindi.  Kalulunsad pa lang ng OED ay sinabi na ng mga editor na hindi pa namamatay na kulang pala ang ginawa nila.  Bumuo sila ng Supplement na natapos at nailathala noong 1933 o limang taon pagkaraan ng unang edisyon. 

Noong 1957 o 24 na taon pagkaraan ng unang Supplement ay naisip ng pablisher na luma na ang OED.  Kinontrata nila si Robert Burchfield para gumawa ng ikalawang Supplement, dahil ang sabi ng pablisher ay napakarami nang bagong salita ang wikang Ingles.  Natapos ang ikalawang Supplement sa taong 1986, o 129 taon mula sa unang miting ng Philological Society tungkol sa proyekto.  Naglathala ang pablisher ng Second Edition ng OED noong 1989.  Masaya na dapat sila. 

Sa susunod na taon, noong 1990, ay ipinanganak ang Internet.  Natural, biglang dumami ang mga salitang Ingles.  Hindi na kaya ng iisang tao, kahit na si Murray pa man siya o si Burchfield, na ipasok ang lahat ng salitang talagang ginagamit ng mga nagsasalita sa Ingles.  

Mayroong 228,132 na salita ang ikalawang edisyon ng OED.  Kaya lang, ayon sa mga mahilig magbilang na linggwista, inaakalang mayroong 750,000 na salita ang wikang Ingles.  Samakatwid ay wala pa sa kalahati ng mga salitang Ingles ang nasa OED.  Kahit na ngayon na online na ang OED at nirerebisa at dinadagdagan bawat tatlong buwan ay hindi makahabol ang Oxford University Press sa sawikaan ng wikang Ingles.  Alam ba ninyo kung gaano kalahi ang budget ng pablisher para sa OED sa taong ito?  34 milyong pounds o 55 milyon US dollars o 2,475,000,000 pesos. 

Kaya ko isinalaysay ang kasaysayan ng OED ay hindi dahil kolonyal ang isip ko, dahil hindi naman tayo nasakop ng Inglaterra, maliban sa maikling panahon na nakuha ng mga sundalong Ingles ang Intramuros, ngunit dahil nais kong matuwa tayo na hindi tayo inabot ng 71 taon bago nagkaroon ng unang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino at hindi umabot ng 61 taon ang paglathala ng ikalawang edisyon mula noong unang edisyon noong 2001.  Hindi rin gumastos ng dalawang bilyong piso ang UP o ang Anvil para mabuo at mailathala ito.

 Kaya lang, nais kong ipaalaala sa mga gumawa ng ating diksiyonaryo na hindi pa tapos at hindi matatapos ang kanilang trabaho. 

Oo nga’t hindi naman kasinlaki ng wikang Ingles ang wika natin, pero kasinsalimuot naman.  Sa katunayan ay mas mahirap pa nga ang gramatika natin kaysa sa gramatika ng Ingles.  Maipagmamalaki ba nila ang focus?  Pinag-iiba ba nila ang oo at opo?  Problema ba nila na halos 175 ang wikang katutubo na pinagkukunan ng salita, bukod pa sa mga wikang banyagang tulad ng Ingles, Kastila, at Mandarin?  Kahit na pinag-aawayan din nila kung paano dapat ibaybay ang mga salita, kung dapat may u ang honor o wala, ay hindi naman sila nag-iinsultuhan at naghahablahan na tulad natin.  At higit sa lahat, kahit sinong iskolar ng wikang Ingles, kapag may alitan o kontrobersiya, ay sumasang-ayon na ang kaisaisa at kaunaunahan at kagalanggalang na awtoridad sa wikang Ingles ay ang OED.  Dito sa atin, sa kamaynilaan pa lamang, sa mismong UP na lamang, may mga taong hanggang ngayon ay gumagamit ng salita na iba ang baybay, iba ang gamit, o iba mismo ang salita sa mga salitang nasa UP Diksiyonaryong Filipino

Kapag ako’y naglelektyur tungkol sa wika, laging may nagtatanong kung paano magbaybay ng salitang ito o salitang iyon.  Ang lagi kong sagot ay ito – konsultahin ang UP Diksiyonaryong Filipino.  Kapag humihirit pa ang nagtatanong at sinasabing mga taga-UP at taga-Anvil lang naman ang naniniwala rito, ang sinasagot ko ay ito – ipakita ninyo sa akin ang diksiyonaryong pinagbabatayan ninyo ng inyong baybay, gamit, o salita.  Hanggang ngayon ay wala pang nakakasagot sa akin dahil, sa totoo lang, wala naman sagot.  Ang diksiyonaryong ito, gustuhin man natin o hindi, ay ang kaisaisang diksiyonaryo ng wikang Filipino.  Ang ibang mga diksiyonaryo, kahit na ang ibang inilathala ng Anvil o mismo ng Komisyon sa Wikang Filipino, ay diksiyonaryo ng wikang Tagalog o kung minsa’y ng wikang hindi man lang Tagalog kundi wikain lamang ng sumulat. 

Kayo na ang magbasa ng “Paliwanag para sa Ikalawang Edisyon” ng punong editor na ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario at ang “Ang UP Diksiyonaryong Filipino sa Konteksto ng Pagpapaunlad ng Wikang Pambansa” ni Galileo S. Zafra.  Kung gusto ninyong malaman kung paano basahin o intindihin ang mga lahok ay mayroong “Gabay sa Paggamit ng UP Diksiyonaryong Filipino.”  Kung nais ninyo namang maengganyo ang mga estudyante ninyo na halughugin ang diksiyonaryo ay banggitin ninyo ang mga salitang may kaugnayan sa pinakamainit na isyu ngayon, ang sex education.  Nasa diksiyonaryo ang mga salitang puke, uten, at kantutan (na ang mas tamang salita ay pagkarat).  Kung may nakakarinig naman na taga-CBCP ay banggitin ninyo ang mga salitang baláan (sa Tagalog, banal), rosary (hindi rō-sa-ri; narito rin ang rosaryo), at iglesya (na ang ibig sabihin ay simbahan at hindi INC).  Kung wala naman kayong magawa sa buhay at hindi kailangang kumayod para tumuka, hanapin ninyo ang mga salitang nasa ikawalang edisyon na wala sa unang edisyon, tulad ng crutch, Crux, at zebra dove

May isang mungkahi ako, at hango rin ito sa karanasan sa Inglaterra.  Sana’y ilagay na sa Web ang Diksiyonaryo, para maaaring baguhin at dagdagan nang wala masyadong gastos.  Makatutulong din sa mga kababayan natin sa ibang bansa – alalahanin natin na mahigit sampung milyon na iyon, karamiha’y hindi na nag-aaral dahil OFW – para maging tama ang kanilang paggamit sa wika.  Ipagyayabang ko na, sa lahat ng mga jornal na gawa dito sa ating bansa, ang Malay (na nakasulat sa Filipino) ang pinakamaraming nagbabasa, ayon sa Google Analytics.  Umaabot sa 100,000 katao bawat taon ang nagbabasa ng mga artikulo sa online na bersyon ng Malay.  Malapit nang mabuo ang sistema namin sa Philippine E-Journals para maningil na kami ng sampung dolyar sa bawat dadalaw sa website ng Malay; mura lang ang sampung dolyar, dahil karaniwang 30 o higit pang dolyar ang pay-per-view ngayon sa mga jornal.  Kahit na sampung porsyento na lamang ang matitirang magbabasa sa Malay, sampung libong tao pa rin iyon bawat taon; sa sampung dolyar bawat basa, 100,000 dolyar pa rin iyon o higit sa apat na milyong piso.  Malay lang iyon.  Isipin ninyo kung diksiyonaryo ang babasahin nila.  Sa piso-piso na lamang bawat pahinang babasahin, isipin ninyo kung magkano ang kikitain ng Anvil at UP dito.  (Aba, baka naman may tongpats ako riyan.  Jeje lang.) 

Pero hindi naman pera lamang ang makukuha natin kung ilalagay natin ito sa Web.  Mapapalaganap natin ang wastong paggamit ng ating wika.  Ayon sa Ethnologue, Encarta, at Wikipedia, ang ating wika ang ika-23 sa pinakanagagamit na wika sa buong mundo.  Milyon daw ang gumagamit ng ating wika sa Australia, Canada, People’s Republic of China, Japan, Korea, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Estados Unidos.  Umaabot daw sa 100 milyon ang gumagamit ng wikang Filipino bilang una o ikalawang wika.  Mahigit pa iyon sa ating populasyon.  Samakatwid ay maraming hindi Filipino ang gumagamit ng wikang Filipino.  Kailangan nila, at kailangan ng ating mga kababayan hindi lamang sa ibang bansa kundi dito sa atin mismo, ng isang gabay sa bigkas, baybay, gamit, varyant, at kahulugan ng mga salita natin, at ang mga ito mismo ang inaalok sa atin ng UP Diksiyonaryong Filipino

Binabati ko ang UP, ang Sentro ng Wikang Filipino, ang Anvil, si Ginoong Almario at ang kanyang mga kabalikat sa proyektong ito, at ang ating bayan sa paglunsad ng librong makabuluhan, kinakailangan, at napapanahon.


<<Previous                                                                                                                                                Next>>

Also in this section

- Blog -- The goings-on in the life of a pinoy book fan and a publishing stiff

- Corporate Profile

- Contact Information

- Distributor Network -- Find a bookstore near you

- Awards won by Anvil Publishing, Inc.

.

page up